
CAUAYAN CITY – Nananatiling nasa Blue Alert Status ang Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) bilang paghahanda sa bagyong “Dante” at isang Low Pressure Area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility.
Ayon kay Benita Sigua ng Cagayan PDRRMO, naka-activate pa rin ang “Bravo protocol” at nakahanda ang mga rescue assets at response clusters. Patuloy din ang pagbabantay ng pitong istasyon ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team sa kani-kanilang lugar.
Naibaba mula Red Alert ang status ng PDRRMC matapos humina at lumabas ng PAR ang bagyong “Crising” nitong nakaraang linggo, ngunit nagpapatuloy ang paghahanda sa posibleng epekto ng panibagong sama ng panahon.
Pinapayuhan naman ng PAGASA ang publiko na manatiling handa at alerto sa posibleng epekto ng bagyong “Dante” at iba pang umiiral na weather system sa bansa.
Ayon sa ahensya, mahalagang maging maingat lalo na sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa.









