Cagayan Police Provincial Office, Nabigyan ng 36 Units ng Patrol Car

79

Cauayan City, Isabela- Namahagi ng tatlumpu’t anim (36) na yunit ng 4×4 pick-ups ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan sa mga kapulisan ng probinsya sa pangunguna ni Governor Manuel Mamba.

Kasabay ito ng Command Visit ni Police General Camilo Pancratius P. Cascolan, Chief PNP sa Police Regional Office 2 (PRO2) sa Lungsod Tuguegarao kahapon.

Nabasbasan na rin ang mga sasakyan kasama ang iba pang mga donasyong natanggap ng PRO2 mula sa iba pang sektor ng pamahalaang lokal at nakatakdang ipamigay sa bawat hanay ng pulisya sa Lalawigan.

Bukod sa mga sasakyan na donasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, nakatanggap din ang PRO2 ng 24 na piraso ng sniper rifle mula sa ilang mga negosyante at sa alkalde ng Lungsod ng Tuguegarao na si Atty. Jefferson Soriano at ilan pang sasakyan mula sa LGU Ilagan City, Isabela.

Nagpasalamat naman si PBGen. Crizaldo Nieves, Regional Director ng PRO2 kay Gob. Mamba sa mga naging tulong nito sa hanay ng kapulisan.

Facebook Comments