Cauayan City – Tinalakay ng pamunuan ng Cagayan ang pagpapalakas at pagpapanatili ng pagiging “insurgency-free” ng lalawigan.
Dinaluhan ng mga pinuno ng security forces, kawani ng Kapitolyo, media, at iba’t ibang stakeholder ang forum na may temang “Insurgency-Free Cagayan: Ways Forward for Sustainable Development”.
Binanggit ni Gov. Mamba ang halaga ng pagtutulungan ng lahat ng sektor upang mapanatili ang kapayapaan.
Aniya, ang pagbibigay ng maayos na serbisyo at pag-unlad sa mga komunidad ang pinakamabisang paraan para labanan ang insurhensiya, imbes na gumamit ng armas.
Tinalakay sa forum ang mga plano para sa kalakalan, peace building, turismo, edukasyon, imprastraktura, at agrikultura.
Napagkasunduan din ang pagbuo ng isang Technical Working Group upang tutukan ang mga polisiya para sa seguridad at pag-unlad ng probinsya.
Matatandaan na pormal na idineklara noong Nobyembre 2024 ang Cagayan bilang insurgency-free, isang deklarasyong sinuportahan ng Sangguniang Panlalawigan.