*Cauayan City, Isabela*- Nakahanda ang pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center sakaling mabigyan ito ng kakayahang magsagawa ng pagsusuri sa mga hinihinalang tinamaan ng corona virus o covid-19.
Ayon kay Medical Center Chief Dr. Glenn Mathew Baggao ng CVMC, kasalukuyan ng pinapa-assess ng Department of Health ang nasa 40 na ospital sa buong Pilipinas kabilang ang Cagayan Valley Medical Center sa mga posibleng magsagawa ng covid-19 testing.
Paliwanag pa ni Baggao na kung may kakulangan man sa mga kagamitan ay ipagkakaloob ng DOH ang karagdagan kung makapasa ang ospital bilang covid-19 testing center sa rehiyon dos.
Umaasa naman si Dr. Baggao na mapabilang ang CVMC sa mga maaaring maging testing center upang hindi na magpadala ng mga specimen sa Research Institute for Tropical Medicine.
Sa ngayon ay nasa lima (5) nalang ang COVID-19 positive habang walo (8) nalang ang Patient under investigation ang nakaadmit ngayon sa nasabing ospital.