Tuguegarao City, Cagayan – Nakatakdang maideklara bilang Mega Hospital ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa buong Luzon.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Dr.Glenn Mathew G. Baggao, pinuno ng CVMC sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan.
Aniya, gagawin ang kanilang makakaya para makapagbigay ng magandang serbisyo sa tulong ng kagawaran ng kalusugan.
Ipinanukala pa ni Dr. Baggao ang karagdagang limang daang kama upang maging 1000 bed capacity ang naturang ospital.
Dumarami anya ang mga kababayan na pinagsisilbihan ng atensyong medikal na umaabot na sa mahigit kumulang isang libo.
Maliban dito, matatapos na sa buwan ng Abril taong kasalukuyan ang karagdagang ipinatayong bagong Out-Patient Department (OPD) na apat na palapag.
Ang nasabing OPD ay magkakaroon ng sariling Xray Room, Parmasya at serbisyong Laboratoryo.
Samantala, magpapatayo ng gusali para sa isang daang unit ng dialysis para sa Dialysis Center ng naturang ospital na sa kasalukuyan ay mayroon lamang pitong unit.
Layon nitong mabigyan ng serbisyo ang mga pasyenteng sumasailalim sa Dialysis upang hindi na mahirapan na magtungo sa ibang ospital.