Cagayan Valley Medical Center, umaasa na mapabilang sa COVID-19 testing center sa bansa

*Cauayan City, Isabela*-Hinihintay na lamang ng pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center ang resulta sa ginawang evaluation ng Kagawaran ng Kalusugan upang mapabilang ito sa mga COVID-19 testing center.

Ito ang inihayag ni Medical Center Chief Dr. Glenn Mathew Baggao sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA-Region 2).

Ayon kay Dr. Baggao, nagsumite na sila ng ilang dokumento upang mapabilang sa isa sa mga testing center sa bansa at hindi na maghintay pa ng resulta ng pinapadalang specimen sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at Baguio General Hospital (BGH) sa mga makikitaan ng sintomas ng COVID-19.


Giit pa nito na maliban sa matagal ang pagdating ng resulta dahil sa layo at sa dami ng sinusuri ay natatagalan ang mga pasyente sa ospital lalo na ang mga walang sintomas.

Bukas na rin aniya malalaman kung kabilang na sa mga testing center ang CVMC at kung bibigyan ito ng accreditation mula sa RITM.

Dagdag pa ni Baggao na sakaling magtagal ang mga pasyente sa loob ng ospital dahil sa tagal ng kumpirmasyon ay maari pang magkaroon ng ibang nakakahawang sakit.

Sa ngayon wala nang kumpirmadong kaso sa CVMC subalit meron pang ilang mga suspect na isinailalim na sa swab test at hinihintay na lamang ang resulta.

Facebook Comments