Cagayan Valley region, Nakataas na sa Alert Level 4- DOH Region 2

Cauayan City, Isabela- Itinaas na sa Alert Level 4 o High Epidemic Risk Classification ang Cagayan Valley region, ayon sa pinakahuling datos ng Department of Health Region 2.

Kabilang rin ang Cagayan, Isabela at Quirino kabilang ang Tuguegarao City, City of Ilagan, Cauayan City at Santiago City na nasa ilalim din ng Alert level 4.

Ibig sabihin ay patuloy na tumataas ang bilang ng aktibong kaso sa mga naturang lugar sa nakalipas na dalawang linggo at mataas ang healthcare utilization rate sa mga nabanggit na lugar.


Bukod dito, ang Cauayan City ay nasa kategorya naman ng Critical Epidemic Risk Classification dahil umabot na sa 231.03 porsiyento ang pagtaas ng aktibong kaso sa nakalipas na dalawang linggo.

Samantala, ang lalawigan naman ng Nueva Vizcaya ay nasa Alert Level 3 o Moderate Epidemic Risk Classification.

Nananatili namang nasa Alert Level 1 o Minimal Risk Epidemic Classification naman ang lalawigan ng Batanes.

Patuloy ang paghimok ng DOH sa publiko na panatilihin ang pagsunod sa minimum health protocol lalo na ang pananatili sa loob ng bahay para makaiwas sa hawaan ng virus.

Facebook Comments