Inihayag ng pamunuan ng Cainta, Rizal Government na simula sa Sabado, May 16, ay isasailalim na sa General Community Quarantine o GCQ ang Cainta, Rizal mula sa ECQ.
Sa kanyang Facebook page, sinabi ni Mayor Johnielle Keith “Kit” Pasion Nieto na ang kanyang bayan ay wala na sa listahan ng lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine o ECQ, epektibo ng hating gabi sa Sabado.
Paliwanag ng alkalde, natutuwa siya sa pitong pasyente na nakarekober dahil nanatiling nasa 38 lamang ang aktibo kaso ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 dahil gumaling na nga ang pitong pasyente.
Dagdag ni Mayor Nieto, 13 pa rin ang nasawi, 37 ang nakarekober habang 32 ang sumailalim sa home quarantine at apat ang naka-admit sa ospital habang ang dalawang pasyente na hindi malala ang kaso ay sumailalim na sa treatment at quarantine facility sa naturang bayan.
Hinikayat din ng alkalde ang mga barangay official na paigtingin pa ang pagsasagawa ng checkpoints para matiyak na lahat nang pumapasok sa kanilang barangay nakasuot ng face masks at may bitbit na quarantine pass saan man sila pumunta.
Pinaalalahanan din ni Nieto ang kanyang mga nasasakupan na manatili sa kani-kanilang tahanan upang hindi kumalat pa ang COVID-19, dahil tinitiyak ng alkalde na gumagawa siya ng paraan upang hindi magugutom habang ang lahat ang nakaranas ng COVID-19 pandemic.