CALABARZON Police, iimbestigahan na ang pagpaslang kay Los Baños, Laguna Mayor Cesar Perez

Ipinag-utos na ng Philippine National Police (PNP) sa CALABARZON Police Regional Office (PRO-4A) na imbestigahan ang pagpatay kay Los Baños, Laguna Mayor Cesar Perez na kasama sa ‘narco-list’ ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Perez ay binaril ng dalawang beses sa likod ng kanyang ulo ng mga hindi nakikilalang suspek habang nasa loob ng munisipiyo sa Barangay Timugan.

Naisugod pa si Perez sa HealthServ Los Baños Medical Center kung saan siya binawian ng buhay habang ginagamot.


Ayon kay CALABARZON PNP Regional Director Police Brigadier General Felipe Natividad, bumuo na ng composite body na siyang mangunguna sa imbestigasyon sa kamatayan ni Perez.

Ang task group ang mag-oorganisa ng lahat ng investigative efforts na gagawin ng regional Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Crime Laboratory Regional Intelligence Division at Laguna Provincial Police Office (PPO).

Pinasisiguro ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Debold Sinas na maihatid ang hustisya sa nasawing local official.

Noong 2019, si Perez ay kabilang sa 46 na government officials na pinangalanan ni Pangulong Duterte at kinasuhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga, tinanggalan din si Perez ng police power noong December 2017.

Sa ngayon, patuloy na tinutugis ang mga suspek.

Facebook Comments