“Love triangle” ang nakikitang motibo ng mga otoridad hinggil sa pagpatay sa isang babaeng car rental driver sa Bucal Bypass Road sa Calamba City, Laguna.
Ayon kay Lieutenant Col. Gene Licud, malakas ang posibilidad na walang kaugnayan sa trabaho ang pagpatay sa biktimang si Robyn Jang Lucero dahil kilala nito ang mga suspek lalo na’t nag-book ang mga ito para magpahatid sa Maynila.
Nabatid kasi na bago mangyari ang krimen, inihatid muna ni Lucero ang kaniyang partner sa Bay, Laguna at bago niya pinuntahan sa Pasay City ang mga suspek.
Dagdag pa ni Licud, natukoy na rin nila ang mga “persons of interest” base sa nakitang group chat ng lesbian at bisexual community, pero hinahanap pa rin nila ang ilang indibidwal na umarkila sa biktima.
May nakita rin na dalawang cellphone sa pinagyarihan ng krimen at isa rito ay walang baterya na masusing iniimbestigahan ngayon ng pulisya.
Hindi naman inihayag ng opisyal kung anong kaugnayan ng mga suspek sa 34-anyos na biktima kung saan may mga saksi na rin na lumutang at sinasabing nakita nila ang sasakyan ni Lucero na may mga sakay na pasahero.
Matatandaan na natagpuan si Lucero na may 52 saksak sa katawan na iniwan sa loob ng kaniyang kotse noong Linggo ng gabi sa Bypass Road sa Calamba.