Nanawagan ang Calamba City Police Station na sumuko na sa kanila ang mga sangkot o may kinalaman sa pagpatay sa babaeng car rental driver na si Robyn Jang Lucero.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Gene Licud, hepe ng Calamba City Police Station, nakilala na nila ang mga person of interest sa tulong ng kuha ng CCTV kung saan dalawang lalaki at isang babae ang sumakay sa minamaneho ng biktima bago nangyari ang krimen.
Dalawa sa kanila ay taga-Laguna habang ang isa ay residente ng kabilang probinsya na kakilala ng biktima na si Meyah Amatorio.
Base pa sa kuha ng CCTV, matapos sumakay ang tatlo sa kotse ni Lucero, isang kotse naman ang nakitang sumusunod sa kanila.
Ang nasabing kotse ay unang sinakyan ng tatlo bago sumakay sa sasakyan ng biktima.
Dagdag pa ng opisyal, nalaman na nila ang plate number ng nasabing sasakyan pero hindi muna nila ito isinasapubliko habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Aniya, patuloy silang nangangalap ng ebidensiya at inaabangan pa nila ang resulta ng Philippine National Police-Scene of the Crime Operatives (PNP-SOCO) hinggil sa mga fingerprint na nakita sa loob ng sasakyan ng biktima matapos itong saksakin ng 52 na beses at iwan sa bypass road sa Calamba City.
May ilang saksi rin na hawak ang Calamba Police na positibong kinilala ang mga person of interest habang nananawagan naman sila sa iba pang saksi na lumapit sa kanila upang mabigyang linaw ang pagpatay kay Lucero.