*Cauayan City, Isabela- *Nilinaw ni OWWA Regional Director Filipina Dino na para lamang sa mga OFW’s ng unang distrito ng lalawigan ng Isabela ang makakakuha ng Calamity Assistance.
Ito ay matapos maianunsyo noon na umano’y pangkalahatan ang pagbibigay ng calamity Assistance sa mga OFW’s subalit ito’y kanyang pinabulaanan dahil wala pa umanong direktiba ang kanilang pinakamataas na pinuno at wala pa umanong inilalabas na datos ang PDRRMC at RDRRMC noon na pwedeng pagbasehan ng OWWA para sa listahan ng mga naapektuhan ng bagyong Ompong.
Panawagan naman ni OWWA Regional Director Dino sa lahat ng mga kaanak ng OFW o sa mga inactive member na huwag nang pumila kung hindi naman umano gaanong naapektuhan ng bagyong Ompong.
Kabilang lamang sa mga bayan at syudad sa unang distrito ng Isabela na mabibigyan ng Calamity Assistance mula sa OWWA ay ang bayan ng Cabagan, Delfin Albano, Divilacan, Maconacon, Palanan, San Pablo, Santa Maria, Santo Tomas, Tumauini at City of Ilagan.
Sa ngayon ay pinag-aaralan pa ng mabuti ng pamunuan ng OWWA Region II kung kailan nila muling ipagpapatuloy ang pagproseso sa mga application forms ng mga kukuha ng calamity assistance para maiwasan ang dami ng mga pipila at para sa mas maayos na pagpila ng mga claimants.