Nanawagan si Agusan Del Norte Representative Lawrence Fortun sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at sa Pag-IBIG na huwag nang patawan ng interes ang mga uutang ngayon sa gitna ng krisis sa COVID-19.
Hiniling ni Fortun sa SSS, GSIS at Pag-IBIG na agad na magbukas at tumanggap na ng mga aplikasyon para sa calamity at salary loans bunsod na rin ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng “nationwide state of calamity”.
Pero giit ng mambabatas, huwag na sanang patawan ng interes ang mga nasabing loan bilang tulong na rin sa mga Pilipinong apektado ng lockdown dahil sa coronavirus.
Inirekomenda ni Fortun na gawing ‘downloadable’ sa internet ang mga forms para sa loans upang magawa ito ng mga empleyado kahit na sila ay ‘work-from-home’.
Maaari naman din, aniyang, i-waive ng mga government financial institutions ang requirements para hindi na mahirapan ang mga aplikante basta’t ang mga ito ay empleyado at mayroong SSS, GSIS at Pag-IBIG number.
Aniya, sa ganitong mga pambihirang pagkakataon na nasa krisis ang bansa ay kinakailangan na matulungan ng gobyerno ang kanyang mamamayan.
Tiniyak naman ni Fortun na nakahanda ang Kongreso na agad aprubahan ang kanilang budget upang mapalitan ang nailabas na pondo.