Cauayan City, Isabela- Nananatili pa ring COVID-19 free ang Calayan island sa Lalawigan ng Cagayan matapos makarekober ang dalawang naitalang positibong kaso noong nakaraang buwan ng Hulyo taong 2020.
Siyam (9) na buwan na walang naitalang panibagong kaso ng COVID-19 ang Calayan island matapos makarekober ang 2 confirmed cases na parehong Locally Stranded Individuals (LSIs) mula sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Mayor Joseph Llopis, mula nang maitala ang dalawang kaso ng COVID-19 sa kanilang isla ay lalong hinigpitan ang pagpapatupad sa health and safety protocols sa kanyang nasasakupan upang ma-contain ang pagkalat ng virus.
Sinabi nito na kaagad inaysolate ang dalawang nagpositibo noon kaya’t walang ibang nahawaan base na rin sa kanilang isinagawang contact tracing.
Dahil dito, ipinatupad sa nasabing isla ang pagsasailalim ng 5-day quarantine sa mainland sa sinumang papasok sa kanilang lugar bago dalhin sa kani-kanilang isolation facility para rin sa karagdagang 5-day quarantine period.
Lahat ng mga sasakay sa vessel o bangka ay hinahanapan din ng negative result ng Antigen test at ito’y bineberipika ng Philippine Coastguard.
Ayon pa sa alkalde, patuloy pa rin ang kanilang pagtanggap ng LSI’s, Returning Overseas Filipino Workers (ROFWs), Authorized Persons Outside of Residence (APOR) at sa mga residente na nais lumabas ng isla para sa kanilang pangangailangan.
Inihayag din ni Mayor Llopis na kailangan nilang ipatupad ng mahigpit ang mga protocols dahil hindi aniya kakayanin ng kanilang inilaang pasilidad kung makakapagtala ng maraming kaso ng COVID-19 ang Calayan island.