Call Center Agent, Arestado sa Pagbebenta ng Droga!

48

Cauayan City, Isabela- Bagsak sa kulungan ang isang lalaki na nasa DI list ng PNP Cabatuan matapos mahuli sa isinagawang drug buybust operation ng pinagsanib na pwersa ng kapulisan sa Santiago City Police Office (SCPO) sa Sampaguita St., Baptista Village, Calao East, Santiago City.


Kinilala ni P/Maj.Reynaldo Maggay, Station #1, Commander ng SCPO ang naarestong si Jodie Tamuyao, 31-anyos, binata, call center agent, at residente ng Mabini St., Barangay Magdalena, Cabatuan, Isabela.

Dakong 7:30 kagabi ng mamataan ng otoridad si Tamuyao kaya’t agad na ikinasa ang drug buybust operation na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Nakuha sa pag-iingat ni Tamuyao ang isang pakete ng pinaniniwalaang shabu at marked money na P1,000.

Sa isinagawang body search ng otoridad ay muling narekober sa kanyang pag-iingat ang dalawa pang pakete ng hinihinalang shabu.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Maggay ay posibleng hihina na ang kalakalan ng droga sa naturang lungsod dahil sa pagkakahuli ni Tamuyao.

Ngayong umaga ay nakatakdang sampahan si Tamuyao ng kasong may kinalaman sa Section 5 and 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa City Prosecutor’s Office.




Facebook Comments