Call center agent, natagpuang patay sa talahiban sa Pasay

Pasay City – Wala ng buhay nang matagpuan sa talahiban ang isang call center agent sa Pasay City.

Kinilala ang biktima na si Jake Dela Peña, 31-anyos, na nakitang puno ng pasa ang mukha at katawan, binusalan ng towel, tinalian ang paa at bali ang leeg.

Ayon kay Pasay Police Senior Master Sergeant Arnel Noriega, nagpaalam na papasok sa trabaho noong March 14 ang biktima.


Pagkatapos ng duty sa trabaho, katatagpuin daw ng biktima ang isang nakilala sa Facebook.

Sabi ni Niriega, itinuturing ngayong “person of interest” sa kaso ang naturang katatagpuin ng biktima, pero posible raw na may iba pang sangkot kung pagbabatayan kung paano pinaslang si Dela Peña.

Maaari din aniyang kilala ni Dela Peña ang salarin at hindi basta robbery ang motibo sa krimen.

Wala rin aniyang nakitang mga personal na gamit ng biktima sa crime scene tulad ng cellphone.

Nananawagan ngayon ng hustisya ang ama ng biktima para sa karumal-dumal na krimen na sinapit ng kanyang anak.

 

Samantala, nagpaalala naman ang pulisya na huwag basta-basta makikipagkita sa mga taong hindi kakilala.

Facebook Comments