Nakahanda na ang lokal na pamahalaan ng Caloocan na alalayan at tulungan maglipat ang mga residente ng Sitio Gitna, Caybiga na maapektuhan ng demolisyon.
Nabatid na sisimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang demolisyon para sa pagsasagawa ng Mindanao Avenue Extension ngayong araw.
Nasa 300 pamilya ang maaapektuhan ng nasabing demoliayon kung saan base sa datos ng National Housing Authority (NHA), 74 lang sa kanila ang kwalipikado para mai-relocate sa Camarin, Caloocan.
Paliwanag ng NHA, taong 2018 pa ng huli silang magsagawa ng census kaya’t posibleng dumami na ang nagtayo ng bahay sa nasabing lugar.
May mga truck na naka-stand by ang Presidential Commission for the Urban Poor para sa mga nais lumipat habang naka-monitor na ang Caloocan City Social Welfare Department.
Nakahanda naman at patuloy na nakabantay ang mga tauhan ng Northern Police District para sa gagawing demolisyon at ayon sa hepe ng Caloocan City Police na si PCol. Ruben Lacuesta, titiyakin nilang ipatutupad ang maximum tolerance upang maiwasan ang kaguluhan.