Caloocan City – Pinanindigan ng Caloocan Police na walang kasama si Carl Angelo Arnaiz, ang 19 anyos na napatay ng mga pulis makaraan umanong manghold up ng isang taxi driver.
Ayon kay Police Chief Insp. Illustre Mendoza, OIC Chief ng Caloocan Police, bagamat kini-claim ng ina ni Carl Angelo Arnaiz na mayroon nga itong kasamang 14 na taong gulang na binatilyo, para magmiryenda, wala umano siyang hawak na impormasyon na magpapatunay dito.
Bukod aniya sa ina ni Carl Angelo ay wala nang iba pang lumapit sa kanilang tanggapan upang maghanap sa 14 years old na kasama nito.
Ang pinagbabasehan lamang aniya niya ay ang spot report na hawak ng pulisya kung saan nakasaad nga na noong Agosto 18, ay nang hold up ng taxi si Arnaiz sa kahabaan ng C3 Road, at mag-isa lamang ito.
Napatay umano ito makaraang gumanting magpaputok ang mga sisita sana na pulis na sina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita, na sa kasalukuyan ay sinibak na sa pwesto.