Calvin Abueva, pinatawan ng indefinite suspension ng PBA

Tuluyan ng sinuspendi ng PBA si Phoenix Pulse forward Calvin Abueva dahil sa dalawang magkahiwalay na insidenteng kinasangkutan nito sa PBA Commissioner’s Cup.

Maliban dito, pinagmumulta rin si Abueva ng P50,000 bunsod ng paghataw nito sa mukha kay TNT import Terrence Jones dahilan para patawan ito ng flagrant foul two.

Mayroon ding P20,000 fine si Abueva dahil sa pambabastos nito sa nobya ni Blackwater rookie Ray Parks Jr. na si Maika Rivera.


Samantala, suspendido rin ng dalawang laro si Phoenix Pulse coach Louie Alas at pinatawan ng P40,000 multa dahil sa pamimisikal nito sa isang player.

Pinatawan rin ito ng P20,000 multa dahil sa flagrant misconduct nang itulak nito si TNT cager David Semerad at P20,000 pa dahil sa pahayag nitong nakasasama sa liga.

Hindi rin naman nakaligtas si Jones na pinatawan ng P70,000 multa dahil sa dalawang magkahiwalay na insidente.

Multang P50,000 ang nakuha ni Jones nang suntukin nito si Abueva sa groin area at P20,000 dahil sa pangongompronta nito sa isang game official.

Wala ring ligtas si TNT assistant team manager Miguel Fernandez na may multang P10,000 dahil sa paglapit nito sa technical table.

May tig-P1,000 namang multa sina Phoenix import Rob Dozier at Jason Perkins dahil sa kani-kanilang technical fouls.

Suspendido naman ng 10 laro ang referee na si Bing Oliva na sinisisi sa kawalan nito ng tawag kay Jones.

Facebook Comments