BENGUET, PHILIPPINES – Nasa 180 na istruktura sa loob ng Camp Bado Dangwa, na binabahayan ng ilang dating mga manggagawa ng Philippine Constabulary o PC, ang binigyan ng 60 araw para umalis sa lugar para sa isasagawang pagpapalaki at pagdaragdag sa opisina ng Police Regional Office-Cordillera (PROCOR), upang maging ganap na Regional Police office ayon kay PROCOR Public Information Officer Police Major, Carolina Lacuata.
Halos lahat ng nakatira sa lugar ay nakatira na doon mula dekada sitenta at otsenta, at mga kamag-anak ng mga dating empleyado ng Camp Dangwa kung saan binigyan ng liham ang mga ito noong Hunyo 24, para sa dalawang buwang pagtanggal ng kanilang mga kabahayan at pag-alis ng nasa 180 na illigal settlers. Ang hindi susunod ay papaalisin at pagmumultahin.
Kasama sa liham ang legal na pagbawi ng PROCOR sa nasa 75,959 square meters na lupa kung saan may 180 na kabahayan ang naipatayo dito, na ang lupang iyon ay nakareserbang gagamitin at ginagamit bilang isang base militar ayon Presidential Proclamation 157 na naiakda noong Hunyo 14, 1937.
Samantala, wala namang gagawing demolisyon dahil gagamitin ang ilan sa mga istraktura bilang dagdag na opisina ng kapulisan at bukod sa kompensasyong natanggap ng mga settlers, nasa proseso na at pinag-uusapan ng maayos ng kapulisan at mga settlers ang iba pang solusyon para matulungan pa ang mga ito.