Campaign activities, pinangangambahang maging “superspreader events”

Nagbabala ang ilang health experts sa posibilidad na maging “superspreader events” ang mga campaign activities tulad ng proclamation rallies.

Ayon kay Dr. Tony Leachon, dating special adviser ng National Task Force Against COVID-19, maaaring mawalan ng saysay ang pagsusumikap na maibaba ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila kung magpapatuloy ang mga paglabag sa loob ng 90 araw na panahon ng kampanya.

Aniya, nakakabahala ang hindi na nasusunod na social distancing measures at iba pang protocol na naobserbahan nila kahapon.


Dagdag pa ni Leachon, dapat na mag-ingat ang bansa para hindi magaya sa India na nakaranas ng surge noong nakaraang taon matapos na luwagan ang restriksyon para sa campaign sorties at religious gatherings.

Samantala, bagama’t nagbabala rin sa posibleng pagkalat muli ng virus, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na hindi na ito sisipa gaya noong Enero dahil sa nakamit nating population immunity.

Pero paglilinaw ni David, hindi lahat ay magkakaroon ng immunity kaya may ilan pa rin na posibleng magkasakit at maospital dahil sa virus.

Facebook Comments