Namamayagpag pa rin ang industriya ng pagsusulat ng campaign jingle sa Dagupan City kahit pa nagsimula na ang pangangampanya sa mga lokal na posisyon.
Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Ron Zamora, isang singer-songwriter sa lungsod, Disyembre pa lamang ay nagsisimula nang magpagawa ang ilang kandidato ng jingle o kanta na magagamit sa kampanya upang manuyo ng mga botante.
Ibig sabihin, tiwala pa rin ang mga kandidato na malaki ang tulong ng campaign jingle upang maihalal ang mga ito sa inaasam na pwesto.
Ilan sa mga hinahanap ng mga kandidato na marinig ay patok na kanta na madaling matandaan ng mga botante at ilang paglalarawan o tagline ng kandidato.
Umaabot ng P12, 000 – P15, 000 ang singil sa mga kumakandidato bilang councilor; P15, 000 -P20, 000 sa Vice Mayor; at P25, 000-P30, 000 naman sa pagiging Mayor kabilang na ang copyright o pagmamay-ari sa kanta kung hango sa released na kanta o original na composition ng artist.
Kaugnay nito, patuloy na umaasa ang mga campaign jingle composers sa lungsod na tangkilikin ang kanilang gawa sa halip na magbase sa artificial intelligence. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨