Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) sa campaign organizers na mananagot oras na mapatunayang nagkaroon ng mga paglabag sa minimum health safety protocols ang campaign rallies at motorcades ng mga kandidato.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, ang lahat ng reklamo sa posibleng campaign violation ay dadaan sa pagsusuri ng Regional COMELEC Campaign Committee.
Aniya, ang nasabing komite ang magdedesisyon kung nagkaroon ng paglabag at sila rin ang magbibigay ng rekomendasyon sa kung anong parusa o reklamo ang ihahain sa mga campaign organizer.
Giit pa ni Jimenez, kapag napatunayang batid ng kandidato na maaaring malabag ang panuntunan pero tinuloy pa rin ang programa ay saka ito maaaring madamay at masampahan ng kaso.
Malinaw aniyang isang election offense ito na posibleng mauwi sa disqualification.