Opisyal nang nagsimula ngayong araw ang campaign period para sa local positions.
Kasabay nito, nagpaalala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mga government vehicle para sa pangangampanya.
Ito ay makaraang makatanggap ng mga ulat ang dilg na ginagamit panghakot ng supporters ang mga sasakyan ng Local Government Unit (LGU).
Dahil diyan, nanawagan si Interior Secretary Eduardo Año sa publiko na i-report ang mga insidente sa mga nakakasakop na local Commission on Elections (COMELEC) Campaign Committee.
Makabubuti din aniya na i-post ang mga ganito sa social media upang matakot ang mga lgu na gumamit ng government resources sa kampanya.
Una nang nagbabala ang Civil Service Commission (CSC) na mahaharap sa parusa ang mga kawani ng gobyerno na makikilahok sa mga partisan na political activities.
Ayon sa CSC, sakaling mapatunayan na sangkot ang isang empleyado ng gobyerno sa ganito ay maaari silang masuspinde nang isa hanggang anim na buwan para sa unang offense at tatanggalin naman sa serbisyo sa ikalawang paglabag.
Samantala, nasa 845 kandidato ang walang magiging kalaban sa darating na halalan ayon sa COMELEC.