Kinwestyon ni San Quintin Mayor Florence Tiu ang umano’y hindi patas at sinadyang pagbabaklas ng barangay council sa kanyang campaign posters na ikinabit sa covered court ng Brgy. Alac.
Base sa kuha ng CCTV, makikitang bitbit ng mga tauhan ng barangay ang binaklas na campaign posters ng alkalde at kapartidong Congressional candidate na matagal na umanong ipinaskil sa lugar ngunit ito lamang ang inalis.
Giit ng alkalde, hindi patas ang ginawang pagbabaklas sa kanilang posters nang hindi man lang ipinaalam sa kanyang panig at nanghihingi ng paliwanag mula sa Kapitan.
Samantala, sa facebook live ni Brgy. Alac Captain Mark Rodger Go inamin niyang pinag-utos niya ang pagbabaklas ng posters ng alkalde dahil nakalagay ito sa mataas na bahagi ngunit ito ay base umano sa regulasyon ng COMELEC.
Nanindigan ang kapitan na lahat ng mga campaign posters na nakakabit sa mga government offices ay binaklas na ng barangay council at hindi lamang umano ang poster ng alkalde.
Kinakailangan umanong tanggalin ang poster ng alkalde na nasa mataas na bahagi ng court upang hindi gayahin ng ibang kandidato at hindi makasira sa view ng pasilidad.
Umani ng sari-saring reaksyon ang naturang isyu sa mga residente na ang hiling lamang umano ay mapayapang pangangampanya.
Matatandaan na isa ang San Quintin sa mga bayan sa Pangasinan na isinailalim ng COMELEC sa Yellow Category na nangangahulugan ng history ng political unrest sa lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨