Manila, Philippines – Nagpaliwanag ang Palasyo ng Malacañang kung bakit hindi pa naglalabas ng Executive Order si Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagbabawal ng contractualization sa bansa na isa sa campaign promise ni Pangulong Duterte.
Sa briefing sa Malacañang ay sinabi ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra na patuloy na pinag aaralan ng executive department ang isang Executive Order para sa contractualization pero mayroon aniyang limitasyon ang isang EO.
Paliwanag ni Guevarra, ang mailalabas nilang executive order ay maglalaman lamang ng kautusan sa lahat ng ahensiya ng Pamahalaan na nasa ilalim ng ehekutibo na mahigpit na ipatupad ang nakasaad sa labor code ng bansa at hindi sila maaaring magdagdag o magbawas dito.
Pero kung ang gusto aniyang mangyari ay mabago ang mga nakasaad sa batas ay kailangan amiyendahan ang labor code at ito ay kailangang dumaan sa lehislatibo.
Sinabi pa ni Guevarra na sa ngayon ay prayoridad nila ay maglabas ng isang EO na sasagot sa hinihiling ng mga labor group pero kung hindi pa ito sasapat ay makikipag-ugnayan na sila sa legislative department para amiyendahan ang labor code.