Cancabato Bay sa Tacloban City, positibo sa red tide

Mahigpit na namang ipinagbabawal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Local Government Unit (LGU) ng Tacloban City ang paghango, pagbenta at pagkain ng mga lamang dagat na nakukuha sa Cancabato Bay, Tacloban City sa Leyte.

Ayon kay BFAR Director Eduardo Gongona ,muli na naman kasing nagpositibo sa red tide toxin ang karagatan base sa pinakahuling laboratory examinations ng BFAR.

Partikular na ipinagbabawal ang mga shellfish tulad ng tahong, tulya, alamang at iba pang lamang dagat doon.


Lubhang pamanganib umano ang pagkain ng mga shellfish dahil sa taglay na lason na posibleng ikamatay ng tao.

Maaari namang kainin ang mga isda, hipon, pusit at alimango basta at tanggalan lamang ng lamang loob at hugasang mabuti bago iluto.

Bukod dito, nanatili pa ring aktibo ang red tide toxin sa coastal waters ng Sual sa  Pangasinan; coastal waters ng Pampanga;  Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Balanga, Hermosa, Orani, Abucay at Samal sa Bataan, Puerto Princesa Bay , Puerto Princesa City sa Palawan; coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol at Irong-Irong, San Pedro at Silanga Bays sa Western Samar.

Lagpas pa rin umano sa  regulatory limit ang paralytic shellfish poison na nakita ng BFAR sa mga samples ng  shellfish na isinailalim sa pagsusuri.

Facebook Comments