CANCELLED BOOKINGS | 500 Grab drivers, pinatawan ng parusa

Manila, Philippines – Mahigit limang daang Grab drivers ang pinatawan ng sanction dahil sa mga reklamo kaugnay sa pagkakansela ng booking ng mga pasahero.

Ayon kay Grab Country Manager Brian Cu, ang pagpapataw ng parusa sa kanilang mga driver ay kasunod ng ikinasang imbestigasyon sa mga ito.

Una nang inireklamo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga pasahero ang Grab dahil sa pagkakansela ng mga driver ng biyahe kahit tinanggap na nila ang booking.


Kasabay nito, sinisi ni Cu sa mahigpit na regulasyon ng gobyerno sa paglaganap ng pang-iisnab ng kanilang mga driver sa mga pasahero.

Sabi naman ni Grab Country Marketing Head Cindy Toh, isa sa dahilan kung bakit napilitan ang kanilang mga driver na magkansela ng biyahe ay dahil sa pagsuspende ng gobyerno sa P2 kada minutong dagdag-singil sa pasahe.

Una nang sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra, na pinagpapaliwanag na nila ang Grab kung bakit hindi dapat suspendihin ang kanilang kompanya sa isyu ng pagkansela ng mga biyahe.

Giit pa ni Delgra, ang pagkansela ng mga driver ng Grab ay maituturing na pagtanggi na magbigay ng serbisyo na labag sa kanilang franchise terms.

Facebook Comments