Manila, Philippines – Pansamantalang kinansela ang mga committee hearings at iba pang legislative works sa Mababang Kapulungan dahil sa mga pagbabago sa liderato ng Kamara.
Mababatid na hinalal ng mga myembro ng Kamara si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo bilang bagong House Speaker kapalit ng pinatalsik na si dating House Speaker Pantaleon Alvarez.
Dahil dito, kasalukuyan pa rin ang pag-oorganisa at pag-sasaayos sa mga posibleng pagpapalit ng Committee Chairmanship dahil na rin sa bagong pamumuno.
Ayon kay Southern Leyte Rep. Roger Mercado, Chairman ng Committee on Constitutional Amendments, made-delay ang pagdinig ng komite sa charter change dahil na rin sa bagong leadership structure.
Maliban sa Constitutional Amendments, postponed din ang mga pagdinig sa House Committee on Ways and Means, House Committee on Transportation, House Committee on Tourism at House Committee on Games and Amusement.
Ang kanselasyon ng mga pagdinig ay alinsunod na rin sa instructions ng mga committee chairman ng mga komite.