Nagpahayag ng pagtutol sa korapsyon ang Archdiocese of Lingayen-Dagupan sa pamamagitan ng candle lighting sa iba’t ibang kapilya sa Pangasinan kasabay ng pagdaraos ng Trillion Peso March kahapon, Bonifacio Day.
Bilang pakikiisa sa panawagan para sa pananagutan at hustisya sa umano’y trilyong pisong nawalang pondo ng bayan, inatasan ng archdiocese ang pagsasagawa ng pagrorosaryo, paglalagay ng puting tali sa paligid ng mga kapilya, at pag-aalay ng panalangin para sa paghilom at paggabay ng Diyos sa mga mamamayan.
Ayon sa archdiocese, hindi dapat ipagsawalang-bahala ang mga isyu ng katiwalian sa pamahalaan, at kinakailangang maiparating ang tinig ng komunidad sa panawagang ituwid ang mga pagkukulang.
Samantala, iba’t ibang grupo at personalidad ang lumahok sa Trillion Peso March upang ihayag ang panawagan para sa malinaw na aksyon ng pamahalaan sa pagpapa panagot sa mga sangkot bago matapos ang 2025.









