Nagkasundo ang Kamara at Senado na sa Mayo 24 umpisahan ang canvassing o pagbibilang ng boto ng mga kandidato sa pangulo at ikalawang pangulo ngayong eleksyon 2022.
Ang Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso ang uupong National Board of Canvassers o NBOC-Congress para sa gagawing canvassing ng mga Certificate of Canvass o COCs mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa ginanap na initialization sa Kamara ng gagamiting Consolidation and Canvassing System o CCS, sinabi nina Senate President Tito Sotto at Speaker Lord Allan Velasco na sa umaga ng May 24 nila sisimulan ang canvassing ng boto para sa presidente at bise presidente.
Ayon kay Sotto, sa May 23 kasi ay magbubukas ang sesyon at dito pa lamang papangalanan ng Senado ang pitong kinatawan para sa NBOC-Congress.
Bukod dito ay may mga ihahabol pa silang trabaho na kailangang tapusin tulad ng pagpapatibay sa mga natitira pang panukala sa ikatlo at huling pagbasa.
Kumpyansa naman si Velasco na hindi magtatagal ang canvassing dahil computerized na ang proseso hindi tulad noon na mano-mano ang pagta-tally ng boto.