Tinapos na ngayong hapon ng National Board of Canvassers o NBOC-Congress ang canvassing ng boto sa mga kandidato sa pangulo at ikalawang pangulo.
Pasado alas-3:30 ngayong hapon ay tinapos na ng Joint Canvassing Committee ang bilangan ng boto kung saan pinakahuli sa mga na-canvass ang Certificate of Canvass o COCs mula sa Maynila.
Sa 173 COCs, 171 ang na-canvass na mga boto o katumbas ng 98.84% na mga nabilang na boto.
Ayon kay Deputy Speaker Boying Remulla, hindi kasi dumating ang COCs mula sa Buenos Aires, Argentina at Damascus, Syria.
Sinabi naman ni Joint Canvassing Committee Chair Migz Zubiri na napagkasunduan nila na i-terminate o tapusin na ang canvassing dahil hindi na ito makakaapekto sa malaking agwat ng mga boto.
Si dating Senador Bongbong Marcos ang panalo sa pagkapangulo na may 31,629,113 votes habang si Davao City Mayor Sara Duterte ang nakakuha ng pinakamataas na boto sa pagiging ikalawang pangulo na may 32,208,417 votes.
Sa kasaysayan, ito na ang pinakamabilis na canvassing ng mga boto na inabot lamang ng mahigit 15 oras.