Hinimok ng grupo ng mga nurse ang gobyerno na alisin ang limitasyon sa bilang ng mga Filipino healthcare workers na papayagang makalabas ng bansa.
Ito ay matapos na alisin na ang temporary deployment ban sa mga health workers pero lilimitahan lamang ito sa 5,000 kada taon.
Ayon kay Filipino Nurses United National President Maristela Abenojar, mayroong 200,000 unemployed at underemployed nurses sa bansa kaya hindi na dapat nagtatakda ng limitadong bilang ang gobyerno.
Pero aniya, mas hamon sa gobyerno ang kung paano nito mahihikayat na manatili sa bansa ang mga healthcare workers sa gitna ng pandemya.
Isa rin kasi sa idinadaing ng grupo ay ang mabagal na pagpapasahod.
Ayon kay Abenojar, halos 30,000 healthcare workers ang ilang buwan nang hindi sumasahod at nakakatanggap ng kanilang hazard pay at special risk allowance.
Kaya panawagan ng grupo, pasahurin ‘on time’ ang mga nagsisilbi sa frontline sa gitna ng giyera kontra COVID-19.