Capiz, nasa ilalim na ng Very High Risk Alert habang papalapit ang Bagyong Tino sa Visayas

Nasa ilalim na ng Very High Risk Alert ang lalawigan ng Capiz habang papalapit ang Bagyong “Tino” sa Visayas at patuloy na lalakas.

Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine Emergency Alerts Monitoring Center, kabilang ang Capiz sa 13 lalawigan na nakataas ang Alert Level Charlie (Red).

Inaasahang makararanas ito ng malakas hanggang matinding ulan at hangin.

Nagbabala ang mga awtoridad tungkol sa posibleng pagbaha, landslides, at storm surges sa mabababang lugar at baybayin.

Hinikayat ngayon ang mga residente na manatili sa bahay, bantayan ang weather updates, at sundin ang mga paalala mula sa disaster management councils.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang pinakamataas na signal na pwedeng iakyat habang dumadaan si Tino ay Signal No. 4.

Patuloy na lumalakas ang bagyo habang tumatawid sa Philippine Sea patungo sa gitnang Pilipinas.

Sa ngayon, maraming pamilya sa lalawigan ang inilikas na at pansamantalang nasa mga evacuation center.

Suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong paaralan sa Roxas City at ilang bayan mula ngayong Lunes hanggang Martes, Nobyembre 4.

Wala ring pasok sa gobyerno maliban sa mga importanteng opisina ngayong may kalamidad.

Facebook Comments