Manila, Philippines – Nanindigan si Ombudsman Conchita Carpio Morales na hindi niya tatalikuran ang mandato na iniatas sa kaniya ng Saligang Batas.
Nababahala si Morales sa mga pangyayari sa estado na may kinalaman sa usapin ng institutional significance at national interest.
Partikular na ikinababahala ni Morales ang ipinataw na siyamnapung-araw na suspensiyon ng Office of the President kay Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang matapos nitong ilabas sa media ang umano’y mga bank accounts na pag-aari daw ng Pangulo.
Pinanghahawakan ni Morales ang ruling ng Supreme Court sa kasong Gonzales III vs. Office of the President (G.R. No. 196231) noong January 2014 na idineklarang ‘unconstitutional’ ang tinatawag na Administrative Disciplinary Jurisdiction ng presidente sa lahat ng deputy ombudsmen.
Maituturing aniya na paghamak sa integridad ng Korte Suprema at maging sa sariling pamamahala ng Ombudsman ang isinampal na suspensyon kay Carandang.
Binigyang diin pa ng institusyon na hindi nila ipatutupad ang direktiba ng tanggapan ng pangulo pero sa mga oras na ito wala pang opsiyal na kumpirmasyon kung handa ang Ombudsman na dalhin at ipagtanggol sa Supreme Court ang nabanggit na isyu.