Manila, Philippines – Hindi sumipot si dating National Youth Commission Chairperson Ronald Cardema sa ikatlong pagdinig ng Commission on Elections (Comelec) sa mga petisyong kumokontra sa kanyang substitution bilang nominee ng Duterte Youth Party-list.
Ayon sa abogado ni Cardema na si Rani Angeli Supnet – hindi nakadalo ang kanyang kliyente dahil sa “emergency personal reasons.”
Sa pagdinig, iginiit ni Atty. Emil Maranon, abogado ng mga petitioner na ginamit ni Cardema ang dating posisyon para makapasok sa party-list group nitong May 2019 midterm elections.
Dagdag pa ni Maranon – ginamit din ni Cardema ang NYC funds para pondohan ang campaign activities ng kanyang grupo.
Bago ito, naghain si Cardema ng motion para maging substitute nominee ng Duterte Youth Party-list matapos umatras ang kanyang asawa na si Ducielle Marie Suarez at apat na iba pang nominado.
Sa ilalim ng batas, ang mga nominado para sa youth sector ay dapat at least 25 years old pero hindi hihigit sa 30 years old.