Opisyal nang tatanggapin ni Archdiocese of Manila Archbishop-Elect Cardinal Jose Advincula ang kaniyang “red hat” sa darating na Mayo 28.
Ito ay bilang simbulo ng pagiging miyembro ng College of Cardinals ng Simbahang Katolika kung saan pangungunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang gagawing seremonya.
Ayon kay Archdiocese of Capiz Spokesperson Fr. Emilio Arbatin, nasa 300 indibidwal lamang ang papayagang dumalo sa loob ng katedral bilang pasunod sa COVID-19 protocols.
Nobyembre noong nakaraang taon nang italaga ni Pope Francis ang Arsobispo ng Capiz bilang cardinal sa ginanap na consistory pero hindi nakadalo si Cardinal Advincula dahil sa travel restrictions.
Nitong Marso 25 naman nang ianunsiyo ng Santo Papa ang bagong tungkulin nito bilang Arsobispo ng Maynila bilang kapalit ni Cardinal Luis Antonio Tagle na kasalukuyang Prefect ng Propaganda Fide.
Samantala, wala pang inilalabas na anunsiyo kung kailan gaganapin ang installation ni Cardinal Advincula bilang bagong Arsobispo ng Maynila.