Pormal nang naupo bilang bagong Arsobispo ng Archdiocese of Manila si Cardinal Jose Advincula.
Alas-8 pasado kaninang umaga nang sinalubong si Cardinal Advincula ng ilang alkalde ng Metro Manila sa ayuntamiento para sa civic ceremony bilang pagtanggap sa bagong Arsobispo ng kapitolyo ng bansa.
Kasunod nito, nagkaroon ng maikling prusisyon patungong Manila Cathedral kung saan dinaluhan ito ni Manila Mayor Isko Moreno at Manila Auxillary Bishop Broderick Pabillo.
Sa kaniyang homiliya kanina, sinabi ni Cardinal Advincula na isang misyon ang maitalaga siya bilang bagong Arsobispo ng Maynila kasabay ng pagdiriwang ng simbahan ng ika-500 taong anibersaryo ng pagdating ng kristiyanismo.
Naging limitado lamang din ang mga pinayagang dumalo sa loob bilang pagtalima sa health protocols upang maiwasan ang COVID-19.
Pamumunuan ni Cardinal Advincula ang higit 3 milyong Katoliko sa Archdiocese na sumasakop sa mga lungsod ng Maynila, Makati, Mandaluyong, Pasay at San Juan.