Umapela si Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa pamahalaan na isama na mabakunahan ang mga caregiver at mga miyembro ng household na may kasamang senior citizen.
Naniniwala si Ordanes na kung isasama ang mga caregiver at miyembro sa bahay na may lolo at lola ay makakatulong ito para makumbinsi ang mga senior citizen na magpabakuna ng COVID-19 vaccine.
Tinukoy ng kongresista na isa lamang sa bawat apat na seniors o 25% pa lang ng mga matatanda sa bansa ang fully-vaccinated na.
Ikinakabahala ng mambabatas ngayon ang kalusugan at buhay ng mga senior citizen lalo na dahil sa nagsulputan na Delta at Lambda variant.
Aniya, kung gustong maprotektahan ang mga senior citizen ay dapat na makumbinsi rin ang mga caregiver at household members na kasama sa bahay ng mga matatanda upang makalikha ng mas malakas na proteksyon laban sa virus.
Iginiit ni Ordanes na dapat suportahan ng national authorities ang mga barangay official ng kagamitan at insentibo na kakailanganin para makumbinsi ang mga senior citizens na magpabakuna.
Iminungkahi ng kongresista ang pagbibigay ng incentives tulad ng bigas, gamot at cash gayundin ang paggamit ng mobile street level vaccination at text-only methods ng pre-registration dahil karamihan sa mga lolo at lola ay hindi naman “techy” lalo na iyong mga indigent.