Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang caretaker ng pastulan matapos isilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest nito may kaugnayan sa pag-iingat ng hindi lisensyadong baril bandang 9:50 ng umaga kahapon sa Brgy. Tuga, Tabuk City, Kalinga.
Kinilala ang suspek na si Kevin Banatao, 23-anyos at residente ng Brgy. Taggay, Pinukpuk, Kalinga.
Narekober ng mga awtoridad ang isang M16 rifle (HYDRA-MATIC DIV) na pagmamay-ari ng US Government na may kasamang mga bala.
Kinumpiska din sa suspek ang isang (1) short magazine na may walong bala at isang empty magazine ng M16 rifle.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, ang bench warrant of arrest na isinilbi ng mga alagad ng batas ay para kina Doro Pallogan at Benjamin Pallogan dahil sa paglabag sa PD 705 (otherwise known as the Forestry Reform Code of the Philippines) na ipinalabas ni Judge Jerson Angog ng RTC 2 nd Judicial Region Br. 25 Tabuk City.
Samantala, nakatakas ang dalawang suspek matapos nilang mapag-alaman ang paparating na operatiba na aaresto sa kanila habang tinangkang tumakas din ng naarestong binata subalit napigilan na ito ng mga operatiba.
Hiningan din ng mga pulis ng kaukulang dokumento ang binata na nagpapatunay na legal ang baril na nasa kanyang pag-iingat subalit bigo itong magpresenta ng kahit anong dokumento kaya’t agad na dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 10591 o Illegal Possession of Firearms.