Manila, Philippines – Humarap sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means si Fidel Anoche Dee, ang caretaker ng warehouse kung saan nakumpiska ang mga iligal na droga na aabot sa 6.4 Billion pesos.
Giit ni Dee, mahirap lamang siya at pinagkatiwalaan lang na magbantay sa warehouse.
Kasunod nito ay emosyonal na nanawagan si Dee kay Pangulong Duterte na tulungan siya sa kanyang kinakaharap na kaso.
Naniniwala si Dee sa tulong at malasakit na ipinangako ni Duterte sa mga mahihirap na naaagrabyado.
Mula ng madiskubre ang iligal na droga na nakalusot sa Customs, tanging si Dee lamang ang nakasuhan at nakulong.
Sa pahayag pa ni Dee, isang Ju Ming Joo na isang Taiwanese ang nagrenta sa warehouse noong April 2016 at ito rin ang nagpapasweldo sa kanya bilang caretaker.
Mula ng rentahan ang warehouse, apat na beses aniya nagkaroon ng delivery mula June 2016, January, March at May 2017.
May 2017 nang matuklasan ang idineliver na droga sa warehouse sa Valenzuela pero doon lamang nalaman ni Dee ang laman ng mga crates.