
Cauayan City – Hindi na nakaligtas pa sa kamatayan ang isang caretaker matapos na barilin ng nakaalitan nito sa Brgy. Ambatali, Ramon, Isabela.
Ayon sa ulat, bago mangyari ang insidente ng pamamaril, nag-iinuman umano ang suspek at ang mga kaibigan nito sa harap ng kanyang tahanan.
Habang nag-iinuman ang mga ito, bigla na lamang dumating ang biktima bitbit ang isang itak at tinanong kung bakit doon sila nag-iinuman, at galit na sinipa ang lamesang ginagamit ng mga ito.
Dahil dito, pumasok naman ang suspek sa kanilang tahanan upang kunin ang kanyang baril, subalit sa muling paglabas nito sa kanilang bahay, nakita nito ang biktima na inambahan ng itak ang kanyang asawa dahilan upang barilin niya ito na naging sanhi ng agarang pagkasawi ng biktima.
Bagama’t mayroong lisensya ang baril na ginamit ng suspek, wala itong dokumento mula sa COMELEC kaya naman nilabag pa rin nito ang umiiral na Election Gun Ban.
Samantala, napag-alaman na dati ng may alitang namamagitan sa suspek at sa biktima dahil umano sa lupa.
Kusa namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek matapos ang insidente.