Carl Angelo Arnaiz, binaril habang nakaluhod; SOJ Aguirre, kinumpirmang si Reynaldo De Guzman ang bangkay ng batang nakita sa creek sa Nueva Ecija

Manila, Philippines – Nakaluhod, nakataas ang mga kamay habang nakaposas ang 19 years old na si Carl Angelo Arnaiz nang barilin umano ito ng police Caloocan noong August 18.

Ito ay batay sa salaysay ng dalawang testigo na humarap sa pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Ping Lacson.

Ang tinuturo ng mga saksi na bumaril ay sina PO1 Jeffrey Perez at Ricky Arquilita na pareho namang tumangging sumagot sa mga tanong ng mga senador dahil mayroon na daw silang kinakaharap na kaso.


Kwento ng taxi driver na Tomas Bagcal, hinoldap siya ni Arnaiz at tinutukan ng patalim malapit sa kanyang tenga kasama ang isa pang mas nakababatang lalaki na posibleng si Reynaldo De Guzman.

Pero may sumaklolo daw sa kanyang tricycle driver kaya nahinto ang panghoholdap at nadala sa isang presinto ng pulis sa Caloocan si Arnaiz at ang kasama nito.

Sabi ni Bagcal, buhay ang dalawa nang dalhin niya sa police Caloocan pero dinala ang mga ito sa bahagi ng C3 kung saan binaril si Arnaiz habang hindi naman niya alam kung ano ang ginawa sa binatilyong kasama nito.

Kasabay nito ay isiniwalat din ni Bagcal na pinapirma siya ng mga pulis ng affidavit na hindi niya napanumpaan at hindi rin galing sa kanya ang laman.

Kwento naman sa pagdinig ng isang 21-anyos na saksi na itinago sa pangalang Joe Daniel, matapos barilin ay may inilagay pa ang mga police sa kamay ng biktima na nakabalot sa telang puti.

Samantala, kinumpirma naman ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na ang 14 na taon gulang na si Reynaldo De Guzman nga ang bangkay ng binatilyo na nakuha sa isang creek sa Nueva Ecija.

Paliwanag ni Aguirre, hindi naman bloated ang bangkay kaya hindi pa nagbabago ang itsura nito na positibo ding kinilala ng kanyang mga magulang.

Ayon kay Aguirre, may dahilan kung hindi nagtugma ang dna samples mula kay De Guzman at sa kanyang mga magulang.

Marahil aniya ay hindi nila ito tunay na anak.

Giit naman ni Public Attorney’s Office Chief Atty. Percida Acosta, hindi na dapat isinailalim sa DNA testing ang bangkay ni De Guzman dahil positbo naman itong kinilala ng kanyang mga magulang.

Facebook Comments