Manila, Philippines – Hindi binaril ng malapitan si Carl Angelo Arnaiz, ang teenager na napatay ng mga pulis Caloocan makaraang umanong manlaban nang tangkain siyang arestuhin dahil sa pangho-holdup sa isang taxi driver.
Ito ang kinumpirma ni Superintendent Arnel Marquez, chief ng Crime Lab ng Northern Police District, na batay sa findings ng autopsy report ng PNP Crime Lab.
Wala aniyang tattooing o smudging na nakita sa mga tama ng bala sa katawan ni Carl, na ang ibig sabihin ay mahigit sa dalawang dipa ang layo ng pagkabaril sa biktima.
Sinabi ni Marquez na may 5 tama ng bala si Carl sa katawan, 2 sa kanyang dibdib, isa sa gitna ng dibdib, isa sa kaliwang parte ng dibdib at isa sa tiyan.
Lahat aniya sa mga ito ay sa harap ang tama at may pataas na trajectory maliban sa tama sa tiyan na mas pataas ang direksyon.
Maari aniyang nakahiga na ang biktima nang barilin sa tiyan, pero hindi naman nito masabi kung ang tama sa tiyan ang finishing shot.