Carnapper, Patay matapos Manlaban!

*Cauayan City, Isabela-* Patay ang isang carnapper matapos manlaban sa isinagawang follow up operation ng mga otoridad sa Brgy. Nagrumbuan, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang napatay na suspek na si Noel Guzman, nasa hustong gulang at residente ng Ugac Sur, Tuguegarao City, Cagayan

Batay sa imbestigasyon ng PNP Cauayan City, nakatanggap ng impormasyon ang kanilang himpilan mula sa biktima na si Arman Madriaga,42 anyos, na residente ng Research, Brgy. Minante Uno, Cauayan City, Isabela kaugnay sa pagkawala ng kanyang motorsiklo.


Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga otoridad at habang nagpapatrolya ang mga ito ay namataan ang isang lalaki na tinatanggal ang plaka ng motorsiklo.

Nilapitan at hinanapan ng kaukulang dokumento ang suspek subalit agad itong naglabas ng baril mula sa kanyang beywang at ipinutok sa mga pulis hanggang sa mauwi sa palitan ng putok ng baril.

Nagresulta ito sa pagkamatay ng suspek kung saan narekober sa pag-iingat nito ang isang kalibre 45 na baril, isang basyo ng bala, isang pulang Yamaha Sniper na hinihinalang ninakaw mula sa biktima at 2 pakete ng pinaniniwalaang shabu.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng kapulisan kung may kasabwat pa ang nasabing suspek hinggil sa nasabing insidente.

Facebook Comments