Carnapper, Patay sa Engkuwentro!

*Tumauini, Isabela- *Patay ang isa sa tatlong carnapper matapos makipagbarilan sa mga otoridad pasado alas nuebe kagabi sa Brgy. San Mateo,Tumauini Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Maj. Eugene Mallillin, hepe ng PNP Tumauini, nakilala ang nasawing suspek na si Geoffrey Divina na taga Gamu, Isabela habang nakatakas naman lulan ang isang Honda XRM na motorsiklo ang dalawa pang kasamang karnaper.

Una rito, personal na nagreklamo sa PNP Tumauini ang biktima na si Jhon Donato kaugnay sa Honda TMX 155 nito na may plakang 7087 QQ na tinangay ng tatlong karnaper lulan ng Honda XRM malapit sa isang gasolinahan sa Brgy. Maligaya, Tumauini, Isabela.


Agad na nirespondehan ng pulisya ang naturang sumbong kaya’t inalerto ang mga operatiba sa posibleng dadaanan ng mga suspek hanggang sa maispatan ang mga ito sa bypass road ng Brgy. San Mateo, Tumauini, Isabela.

Matapos na magpakilala bilang mga alagad ng batas ang mga rumespondeng pulis ay agad na nagpaputok ng baril ang isa sa mga suspek hanggang sa nauwi sa engkuwentro na ikinasawi ni Geoffrey Divina matapos na magtamo ng tatlong tama ng bala ng baril sa bahagi ng kanyang katawan.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang Cal. 38 na baril, tatlong bala at dalawang basyo ng bala ng Cal. 38, isang sachet ng pinaniniwalaang shabu, aluminum foil, dalawang lighter at isang Honda TMX.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing insidente habang tinutugis naman ang dalawang hindi pa matukoy na mga carnapper.

Facebook Comments