Case fatality rate sa Nipah virus, naitala sa 50 hanggang 70%; Pilipinas walang naitatalang ganitong sakit ayon sa isang eksperto

Nasa 50 hanggang 70% ang naitalang case fatality rate ng Nipah virus batay sa mga nadokumentong kaso sa nagdaang panahon mula ng madiskubre ang sakit na ito.

Sinabi ito ni Dr. Rontgene Solante, isang infectious diseases expert at presidente ng Philippine College of Physicians sa Bagong Pilipinas show.

Ibig sabihin aniya nito, sa limang naitalang may impeksyon ng Nipah virus, tatlo hanggang apat dito ay namamatay.


Wala kasi aniyang gamot laban sa sakit na ito at wala pa ring nadidiskubreng bakuna laban dito.

Karaniwan aniyang sintomas ng Nipah virus ay ang lagnat, masakit ang katawan, matining sakit ng ulo na tatama sa utak o pagkakaroon ng encephalitis at pagkaraan aniya ng dalawa hanggang tatlong araw ay manghihina na ang pasyente, hindi na makakilala, antukin o tulog nang tulog hanggang hihinto na lamang ang function ng baga at puso nito.

Walang ganitong kaso sa Pilipinas pero noong taong 2014 meron aniyang naitala sa Sultan Kudarat na katulad na manifestations pero galing naman sa kabayo.

Sa kabila nito, sinabi ni Solante na dapat pa rin itong paghandaan dahil pwede rin itong mangyari rito sa Pilipinas na isa ring tropical country tulad ng nararanasan ngayon sa India.

Facebook Comments