Muling pinalawig ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang deadline ng cash aid distribution sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Ngayong araw sana ang deadline ng distribusyon pero in-extend ito ng DILG hanggang May 10.
Kagabi, umabot na sa 77.51% o 985 mula sa 1,634 na Local Government Units (LGUs) ang nakatapos na sa pamamahagi sa unang tranche ng ayuda.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, bagama’t marami na ang naka-comply, malaking problema pa rin ang pamamahagi ng cash aid sa ilang lugar sa Metro Manila dahil na rin sa malaking bilang ng qualified beneficiaries dito.
Sa naman interview ng RMN Manila, aminado si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Usec. Rene Glen Paje na nakakapagpatagal sa proseso ang ginagawang validation ng LGU at DSWD sa mga dokumento ng mga benepisyaryo ng SAP para matiyak ang eligibility ng mga ito at kung may kaso ng duplication.
Samantala, nilinaw ng DILG na tanging NCR lang ang sakop ng panibagong extension ng deadline ng cash aid distribution.