Malaking tulong at kaginhawahan sa hanay ng mga magsasaka sa Pilipinas ang ipamamahaging P5,000 cash assistance ng pamahalaan.
Ayon kay Joel Catle, manager ng San Mariano Multi-Purpose Cooperative, malaking kabawasan na ito sa kanilang mga ginagastos sa panahon ng taniman ng palay o planting season.
Sinabi ni Catle na may magagamit na silang pambili ng fertilizer para sa paglago ng palay at insecticide laban sa mga peste.
Aniya, mayroong 35 farmers cooperative sa San Antonio Nueva Ecija at nakatitiyak siya na marami sa kanilang hanay ang makikinabang sa financial assistance ng pamahalaan.
Ang pahayag ni Catle ay kasunod nang pag-apruba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na paglalabas ng P12.7 bilyong pondo para sa Rice Farmers Financial Assistance Program (RFFA).
Aabot sa 2.3 milyong magsasaka naka-rehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang tatanggap ng tig-P5,000 na ayuda mula sa mga nakolektang taripa o buwis sa imported na bigas noong 2022.