Matatanggap na ng mga repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs) na na-displace bunga ng pandemya ang kanilang cash assistance.
Ito ay sa ilalim ng Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) program ng Department of Labor and Employment (DOLE), kung saan magbibigay ng one-time ₱10,000 o $200 cash aid sa mga kwalipikadong OFWs.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang programang ito ay bahagi ng hakbang ng kagawaran na mapabilis ang pagbibigay ng tulong sa mga manggagawang naapektuhan ng pandemya.
Sinabi ni Bello na agad na ibibigay ang financial assistance pagkadating ng mga displaced OFWs sa bansa.
Iginiit ni Bello na hindi na dapat pinapatagal ang pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong OFWs.
Nabatid na kadalasang nag-a-apply pa ang mga OFWs para sa assistance at kapag naaprubahan ay doon pa lamang ipapadala ang financial aid sa remittance center.
Mula nitong November 3, nakapagbigay na ang gobyerno ng ₱3.5 billion cash assistance sa halos 350,000 OFWs.
Nasa 285,000 OFWs na ang na-repatriate ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).